Aprubado na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang latag ng proposed P4.506 trillion national budget para sa taong 2021, ayon sa Department of Budget and Management.

Sa isang statement, sinabi ng DBM na inaprubaha ni Pangulong Duterte ang latag ng naturang panukalang pambansang pondo sa susunod na taon sa pagpupulong ng Development Budget Coordination Committee noong Hulyo 30.

Ang pondong ito ng pamahalaan ayon sa DBM ay makakatulong para sa hangarin na ma-sustain ang mga hakbang na ipinapatupad sa pagtugon sa epekto ng COVID-19 pandemic.

“The proposed fiscal year (FY) 2021 budget aims to sustain government efforts towards effectively responding to the COVID-19 pandemic by focusing government spending on improving our healthcare systems, ensuring food security, increasing investments in public and digital infrastructure, and helping communities cope and prevail in these trying times, hence, the theme ‘Reset, Rebound and Recover: Investing for resiliency and sustainability,” saad ng DBM.

Ang P4.506 trillion proposed 2021 budget ay 9.9 percent na mas mataas kung ikumpara sa 2020 P4.1 trillion national budget, na katumbas ng 21.9 percent ng Gross Domestic Product.

“Every peso of the proposed PhP4.506 trillion FY 2021 Budget went through numerous budget hearings and consultations with the agencies, and levels of scrutiny and approval,” sambit ng DBM.

Sa ngayon, hindi pa naisusumite ng DBM ang 2021 National Expenditure Program (NEP) sa Kongreso.

Nauna nang sinabi ni Budget Sec. Wendel Avisado na may hanggang Agosto 27 ang DBM para maisumite sa Kongreso ang NEP.

Kapag naisumite na sa Kongreso ang NEP, kaagad na magsasagawa ng mga pagdinig ukol dito hanggang sa makalusot ito sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara at Senado.

Pagkatapos nito at reresolbahin naman ang pagkakaiba sa bersyon ng Kamara at Senado sa pamamagitan ng bicameral conference.

Ang bersyon ng Bicameral Conference Committee na rin ang siyang iaakyat sa Office of the President para sa lagda ng Pangulo upang maging ganap na batas.