-- Advertisements --

KALIBO, Aklan—Nananawagan ng pagkakaisa ang Kabataan partylist upang hindi matuloy ang hiling ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa apela nila sa International Criminal Court (ICC) na pahintulutan ang interim release upang pansamantalang makalaya ang dating pangulo sa bansang malapit lamang sa The Hague, Netherlands.

Ayon kay Kabataan partylist representative Atty. Renee Co, sakaling magkaroon ng pansamantalang kalayaan o sapat na espasyo sa lugar ang dating presidente ay nakikita pa rin nila na banta ito sa mga biktima na naghain ng kaso dahil sa mga naranasang pang-abuso sa panahon ng kaniyang administrasyon.

Iginiit ni Atty. Co na dapat ang mga nahaharap sa kasong crimes against humanity ay mahigpit na binabantayan at dapat guilty ang magiging hatol sa mga ganitong kaso dahil sa sapat ang mga ebidensyang inilahad sa ICC na sila mismo ay nagpalabas din ng paglilinaw na wala pang desisyon ang pandaigdigang korte ukol sa apela ng mga Duterte.

Nabatid na kaliwa’t kanan ang mga nananawagan na dapat bigyang pansamantalang kalayaan si Duterte at iparanas ang karapatang pantao bilang Filipino.

Ngunit, ang tugon naman dito ng mga kaanak ng biktima ay kailangang mabigyang hustisya ang mga naabusong karapatang pantao ng kanilang mga mahal sa buhay sa panahon ng kampanya laban sa illegal na droga na nauwi sa umano’y patayan o extra judicial killing.

Maalalang kinumpirma ni Gng. Elizabeth Zimmerman, dating asawa ni Duterte na bagama’t nasa maayos na kalusugan ang dating pangulo ay buto’t bala’t na lamang ito habang nakapiit sa detention facility ng ICC.

Maliban dito, sinabi rin ni Vince President Sara Duterte na may huling habilin na ang kaniyang ama gaya ng kung saan ito mamamatay ay doon na lamang siya i-cremate bago iuwi sa Pilipinas.