-- Advertisements --

Umakyat sa ₱903 milyon ang panukalang 2026 budget ng Office of the Vice President (OVP) matapos aprubahan ng Department of Budget and Management (DBM) ang dagdag na pondo, ayon kay bagong OVP spokesperson Ruth Castelo.

Ayon kay Castelo, ang orihinal na budget proposal ng OVP ay ₱733 milyon, katulad ng nakalaang pondo ngayong taon. Inakyat ito ng DBM sa ₱803.6 milyon, at kalauna’y naging ₱903 milyon upang tugunan ang pangangailangan sa karagdagang personnel services at IT equipment para sa opisina.

Tiniyak ni Castelo na walang confidential fund na kasama sa 2026 budget proposal.

Dagdag niya, kompletong team ng OVP ang haharap sa mga deliberasyon sa Kongreso upang ipaliwanag ang pondo.

Nauna nang sinabi ni Vice President Sara Duterte na piniling huwag humiling ng malaking dagdag sa budget upang maiwasan ang mga sitwasyong ikahihiya ng OVP sa mga pagdinig.

Matatandaang binawasan ng Kongreso ang pondo ng OVP noong 2023 matapos kwestyunin ang ₱125 milyong confidential fund na umano’y nagasta sa loob ng 11 araw, at ang ₱10 milyong ginamit para sa paglilimbag ng librong ‘Isang Kaibigan’.

Ang isyu ng confidential fund ay isa rin sa mga batayan ng nakabinbing impeachment complaint laban kay VP Duterte sa Senado. (report by Bombo Jai)