-- Advertisements --

Bukas ang Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) na tumulong sa pamilya ng mag-inang sina Police Master Sergeant Diane Marie Mollenido at anak na si John Ysmael Mollenido.

Ayon kay VACC President Arsenio ‘Boy’ Evangelista, marami na ang impormasyong sa ngayon ang nalikom ng grupo kaugnay sa kaso, na maaaring makatulong sa kampo ng mag-inang walang-awang pinatay.

Gayunpaman, sa kasalukuyan ay hindi pa aniya lumalapit ang pamilya ng mag-ina.

Naiiintidihan aniya ng VACC na hangad din ng Philippine National Police (PNP) na agad mabigyan ng hustisiya ang mag-ina, lalo at nagiging isang malaking isyu ang naturang kaso.

Sa kabila nito, tiniyak ni Evangelista na dadalawin pa rin nila ang lamay ng mag-ina at makipag-usap sa pamilya.

Magmamasid din aniya ang VACC sa magiging development ng kaso.

Kung babalikan ang kaso ng mag-inang walang awang pinatay, unang natunton ang labi ni MSgt. Mollenido sa isang sapa sa may Pulilan, Bulacan na may tama ng baril.

Ilang araw matapos nito ay nakita rin ang katawan ng kaniyang walong taong gulang na anak sa Victoria, Tarlac, na nabalot ng tape at garbage bag.

Una na ring nangako si Philippine National Police chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na ipagkakaloob sa pamilya ng mag-ina ang “full financial and protection assistance.”