-- Advertisements --

Idineklara ng Department of Agriculture (DA) na ang lalawigan ng Bataan ay ligtas na mula sa avian influenza, matapos ang halos tatlong taong pagsubok na dulot ng outbreak ng highly pathogenic H5N9 bird flu virus.

Ang deklarasyong ito ay isang malaking tagumpay para sa lalawigan at sa buong sektor ng agrikultura ng bansa.

Ang pormal na deklarasyon ay nakapaloob sa Memorandum Circular No. 31 na inilabas ni Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na base sa resulta ng masusing pagkontrol sa sakit at walang tigil na surveillance campaign na isinagawa sa buong lalawigan.

Matatandaang huling naitala ang mga kaso ng avian influenza noong buwan ng Abril at Nobyembre ng taong 2022 na natukoy sa isang duck farm sa bayan ng Pilar at sa Balanga.

Bukod pa rito, noong Mayo ng nakalipas na taon, isang kaso rin ang naitala sa isang quail farm na matatagpuan sa Hermosa.

Bilang agarang tugon sa banta ng bird flu, ang panlalawigang pamahalaan at ang municipal government ay agad na nagpatupad ng mga kinakailangang hakbang.

Ito ay ginawa sa malapit na pakikipag-ugnayan sa Bureau of Animal Industry (BAI) upang mapigilan ang higit pang pagkalat ng sakit.

Kabilang sa mga hakbang na isinagawa ang masusing pagsiyasat sa sakit upang matukoy ang lawak ng impeksyon.

Bagama’t idineklara na ang Bataan bilang bird flu-free, mahalagang tandaan na ang kalagayang ito ay maaring bawiin kung mayroong bagong kaso ng avian influenza na maitatala sa lalawigan.