Naglabas ng opisyal na pahayag ang Chinese Embassy kaugnay ng mga resolusyon ng Kalayaan Municipal Council sa Palawan.
Sa naturang resolusyon, idineklara ng konseho ang Chinese ambassador bilang “persona non grata” sa Kalayaan Island Group (KIG).
Ayon sa embahada, batay sa prinsipyo ng reciprocity, ang mga indibidwal na sangkot umano sa paggawa ng nasabing resolusyon ay hindi na welcome na makapasok sa China, kabilang ang Hong Kong at Macao.
Kabilang sa mga pinangalanan ng embahada sina Beltzasar S. Alindogan, Maurice Phillip Alexis S. Albayda, Nonelon B. Balbontin, Nonie C. Gapuz, Roberto M. Asiado, Hubert B. Llavan, Francis P. Polizon, Marilou S. Vales, Monico A. Abogado, Eugenio B. Bito-onon, Hermoso A. Ornopia, Tracylie Shierjun R. Malabayabas, Arzel E. Belidan, Vicencio R. Milan, Allan D. Dellosa, at Mary Cristina J. Lagrosa.
Ang pahayag ay bahagi ng patuloy na tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China hinggil sa West Philippine Sea, partikular sa Kalayaan Island Group na matagal nang pinagtatalunan.
Kamakailan, muling naging sentro ng diskusyon ang KIG matapos magmungkahi si Sen. Rodante Marcoleta ng debate tungkol sa soberanya, na tinutulan naman ni Sen. Panfilo Lacson dahil umano’y makakaapekto ito sa mga residente ng Pag-asa Island.
Sa kabuuan, ipinapakita ng hakbang ng Chinese Embassy ang patuloy na pagtutol ng Beijing sa anumang hakbang ng lokal na pamahalaan ng Kalayaan na kumikilala sa soberanya ng Pilipinas sa naturang teritoryo.















