Matapos ang ilang araw ng mahabang deliberasyon, inaprubahan at inamiyendahan na ng Senado noong Lunes ang Senate Resolution No. 256, na kumokondena sa mga pahayag ng Chinese Embassy sa Manila na pumupuna sa mga opisyal at institusyon ng Pilipinas kaugnay ng pagtatanggol sa soberanya at karapatan ng bansa sa dispute waters.
Naantalang aprubahan ang resolusyon sa plenaryo dahil sa ilang senador sa minority na nagtanong sa panukala. Gayunpaman, matapos ang halos tatlong oras na interpellation ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano, inaprubahan ng Senado ang resolusyon nang walang pagtutol.
Ayon sa resolusyon na pirmado ng 15 senador, lumabag sa diplomatikong asal ang mga pahayag ni Chinese Ambassador Jing Quan, na ayon sa Senado ay “departed from the restraint, courtesy, and responsibility expected of diplomatic communications” at taliwas sa “principles of mutual respect and non-interference” ng mga estado.
Binanggit din sa resolusyon na pinuna ng Department of National Defense at Armed Forces of the Philippines ang mga pahayag ng China na may layuning “intimidate or malign Philippine defense institutions and personnel,” at tiniyak nilang hindi sila mapipigil ng ganoong aksyon.
Ayon pa sa resolusyon, bilang isang soberanong estado, may karapatan aniya ang Pilipinas na ipagtanggol ang sariling posisyon nito alinsunod sa international law, at ang “peaceful assertion of sovereign rights does not characterize aggression or provocation.”
Nilinaw ng Senado na ang resolusyon ay nagpapahayag lamang ng sense of the Senate sa pagbatikos ng Chinese Embassy, partikular sa hindi nararapat na pamumuna sa mga Pilipinong opisyal at institusyon sa pagtupad ng kanilang tungkulin.
Pinagtibay din nito na may karapatan at responsibilidad ang Republika ng Pilipinas na ipahayag at ipagtanggol ang opisyal nitong posisyon at pambansang interes.
Bukod dito, hinimok ng Senado ang Department of Foreign Affairs na gumawa ng angkop na hakbang na diplomatikong pangalagaan ang “dignity of the Republic” at tiyakin na ang relasyon ng Pilipinas sa ibang bansa ay naaayon sa international law.
Nabatid na ang mga pumirma sa Senate Resolution No. 256 ay sina Senate President Vicente Sotto III, Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson, Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, at mga senador na sina Bam Aquino, JV Ejercito, Jinggoy Estrada, Sherwin Gatchalian, Risa Hontiveros, Lito Lapid, Loren Legarda, Francis Pangilinan, Erwin Tulfo, Raffy Tulfo, Camille Villar, at Mark Villar.
















