-- Advertisements --

NAGA CITY- Naaagnas na ng matagpuan ang katawan ng isang lalaki sa Tinambac, Camarines Sur.

Kinilala ang biktima na si Arwel Cañeba, 47-anyos, residente ng Zone 6 Barangay Binalay sa naturang bayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PMaj. Dominic Borigas, hepe ng Tinambac Municipal Police Station, sinabi nito na natagpuan na lamang sa may niyugan ang biktima na wala nang buhay.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, pinaniniwalaang nagbigti si Cañeba gamit ang nylon na lubid.

Una dito, nahaharap umano sa kaso ang biktima dahil nasaktan nito ang kaniyang live in partner gayundin ang 12-day old baby nito na naging dahilan pa para mawalan ito ng malay.

-- Advertisement --

Dahil umano dito, pinaniniwalaang labis na konsensiya at depresyon ang nagtulak para magbigti ang naturang biktima.

Samantala, nabatid din na Pebrero 23 pa ng umalis sa kanilang bahay ang biktima ngunit hindi na ito bumalik hanggang sa natagpuan na lamang na wala ng buhay.

Sa ngayon, patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa insidente.