Posibleng nasa 15 hanggang 16 na mga senador na ang lumagda sa pinaiikot na resolusyon para panatilihin si Senador Chiz Escudero bilang Senate President sa 20th Congress.
Bagamat hindi na isinapubliko ni Ejercito kung sino ang nagpapirma sa kanya, sinabi nitong noong nakaraan buwan dumating sa kanyang opisina ang resolusyon para katigan ang pananatili ni Escudero bilang pangulo ng Senado.
Paliwanag ng senador, kaya raw siya lumagda ng suporta, ay dahil bahagi na raw siya ng liderato bilang deputy majority leader sa ilalim ng pamumuno ni escudero bilang kasalukuyang senate president.
ito aniya ay pagbibigay din ng kortesiya at respeto kay Escudero dahil pinagkatiwaan siya nito at inilagay sa pwesto kaya naman aniya susuportahan niya ito.
Pag-amin naman ni Ejercito, kahit na suportado niya si Escudero nagdadalawang-isip pa rin siya dahil magkasangga rin daw sila ni senador Tito Sotto.
Samantala, naniniwala naman si Ejercito na magiging kapana-panabik at healthy ang posibleng pagbabago sa dynamics ng Senado sakaling buuin ng mga beteranong mambabatas — na sina Sen. Tito Sotto, Sen. Juan Miguel Zubiri, Sen. Ping Lacson, at Sen. Loren Legarda — ang minority bloc sa ika-20 Kongreso
Ayon sa mga ulat, kabilang umano si Sen. Lito Lapid sa tinatawag na veterans bloc, ngunit ayon kay Zubiri, malaya si Lapid na sumama sa majority bloc kung nanaisin niya.
Personal niya raw na gustong makakita ng isang aktibong minority bloc sa Senado.
Magugunitang si Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada ang nagkumpirma na mayroon nang pinaIikot na resolusyon para panatilihin si Escudero bilang Senate President sa 20th Congress.
Ayon kay Estrada, hindi bababa sa 13 sa 24 na mga senador ang lumagda na sa naturang resolusyon kaya tiyak na aniya na si Escudero pa rin ang pangulo ng Senado sa pagbubukas ng 20th congress sa Hulyo 28.
Dahil may resolusyon nang umiikot at pirmado na rin ito ng karamihan ng mga senador, umaasa si Estrada na hindi na magbago ang isip ng kanyang mga kasamahan.