Aabot sa limang (5) karagdagang bangkay ang narekober ng mga awtoridad mula sa lumubog na MV Trisha Kerstin-3 sa karagatan malapit sa Baluk-Baluk Island, Basilan noong Martes, dahilan upang umabot na sa 51 ang bilang ng mga nasawi.
Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), ipinagpatuloy ng kanilang technical divers ang underwater search and recovery operations.
Natagpuan ang mga bangkay sa economy accommodation area sa unang deck ng barko. Kabilang sa mga narekober ang isang sanggol, isang bata, dalawang babaeng nasa hustong gulang, at isang binatilyo.
Hindi pa matukoy ang kasarian ng dalawang menor de edad.
Mula sa Zamboanga City, ililipat ang mga ito sa Talabaan Cemetery kung saan isasailalim sa forensic processing ng mga eksperto.
Pinapayuhan ang mga pamilya ng mga biktimang may nawawala pang kaanak na magtungo sa nasabing sementeryo upang tumulong sa pagkakakilanlan ng mga bangkay.
Matatandaang madaling-araw ng Enero 26 nang lumubog ang MV Trisha Kerstin-3. Natagpuan ang barko sa karagatan malapit sa Baluk-Baluk Island noong Martes ng nakaraang linggo.
Patuloy pa rin ang search and recovery operations ng mga awtoridad para sa mga posibleng natitirang biktima.
















