BAGUIO CITY – Pinaglalamayan na ang isang ama pagtapos itong malunod sa Agno River partikular sa Pacso, Kabayan Benguet.

Nakilala itong si Rudy Tacay Batanes, 53-anyos, may asawa at residente ng La Trinidad, Benguet.

Ayon sa Kabayan Municipal Police Station, ipinarada ni Batanes ang minaneho nitong truck sa gilid ng ilog at inutusan nito ang kanyang kasama na si Jefford Panangwe na lagyan nito ng buhangin ang likod ng truck.

Sinabi ni Batanes kay Panangwe na maliligo ito sa ilog ngunit hindi na ito bumalik kaya’t hinanap ito ng kanyang kasama.

Natuklasan ni Panangwe na nalunod si Batanes at sa pagresponde ng mga awtoridad ay naisugod ito sa Kabayan Rural Health Unit ngunit naideklarang patay na.