Hinimok ni dating Senador Ping Lacson si Senador Ronald “Bato” dela Rosa na ipagpatuloy ang pagpasok sa Senado sa kabila ng mga ulat hinggil sa umano’y warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC). Ayon kay Lacson, wala pang opisyal na kumpirmasyon mula sa ICC ukol sa naturang warrant laban sa mambabatas.
Matatandaang si Dela Rosa ay kabilang sa mga inireklamo sa ICC kaugnay ng kanyang papel bilang dating hepe ng Philippine National Police (PNP) at pangunahing tagapagpatupad ng Oplan Tokhang sa ilalim ng administrasyong Duterte.
Ang kampanya kontra droga ay iniimbestigahan ng ICC dahil sa umano’y libo-libong kaso ng extrajudicial killings.
Aminado si Lacson na wala siyang “moral ascendancy” upang pilitin si Dela Rosa na sumuko, dahil siya man ay minsang nagtago noong may kasong kinaharap. Gayunpaman, iginiit niyang dapat hayaan ang mga awtoridad na gumanap ng kanilang tungkulin, habang si Dela Rosa naman ay may kalayaan na magpasya sa kanyang magiging hakbang.
Sa kasalukuyan, nagpapatuloy ang imbestigasyon ng ICC hinggil sa kampanya kontra droga ng Pilipinas, matapos nitong bawiin ang pansamantalang suspensyon ng probe noong 2023.
Noong 2025, muling naglabas ng pahayag ang ICC na aktibo pa rin ang kanilang pagbusisi sa mga kasong may kinalaman sa war on drugs.













