Kasabay ng pagdiriwang sa Araw ng Paggawa ngayong araw (May 1), muling hinimok ng mga labor group ang kanilang kahilingan kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na harapin sila para sa isang diyalogo.
Nais ng grupo na mapag-usapan ang pangangailangan para sa legislated wage increase o pagtaas sa sahod ng mga mangagawa sa pamamagitan ng isang batas.
Pinangunahan ng grupong National Wage Coalition (NWC) ang apela sa pagnanais na sa unang pagkakataon mula noong naging presidente si Pang. Marcos, ay haharapin na niya ang mga labor leader.
Ang naturang coalition ay binubuo ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), Kilusang Mayo Uno (KMU), Nagkakaisa Labor Coalition (Nagkaisa) at Trade Union Congress of the Philippines (TUCP)
Bagaman kinikilala ng kowalisyon ang positibong polisiya ng kasalukuyang administrasyon ukol sa pasahod at paggawa, nananatili pa rin umanong malaking isyu ang hindi sapat na pasahod sa mga mangagawa ng bansa.
Hinimok din ng NWC si Department of Labor Secretary Bienvenido Laguesma na i-facilitate ang diyalogo na kanilang hinihiling, kasama si Pang. Marcos.
Kasabay ng kahilingang diyalogo, hiniling din ng grupo sa kasalukuyang administrasyon na i-certify na bilang urgent ang P200 daily minimum wage hike upang agad maipasa bilang ganap na batas.
Ang naturang measure ayon sa grupo, ay mahalaga upang masigurong magkaroon ng sapat at akmang compensation ang bawat mangagawa na kayang makipagsabayan sa kasalukuyang sitwasyon. (Report by Bombo Jai)