-- Advertisements --

Ipinag-utos na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang agarang pag-blacklist sa mga kontratistang sangkot sa maanumalyang flood control projects.

Bilang tugon, kinansela ng Department of Budget and Management (DBM) ang PhilGEPS registration ng siyam na kumpanyang konektado kay Cezarah Rowena “Sarah” Discaya.

Ayon kay DBM Secretary Amenah Pangandaman, naghahanda rin ang Procurement Service-DBM na alisin mula sa listahan ang iba pang kumpanyang gaya ng SYMS Contruction Trading at Wawao Builders, sa sandaling maglabas ng opisyal na blacklist ang Department of Public Works and Highways (DPWH).

Batay ito sa Republic Act 12009 o New Government Procurement Act, na nag-aatas na agad na alisin sa PhilGEPS ang sinumang nakalista sa blacklist ng ahensya—na nagbabawal sa kanila na lumahok sa anumang bidding ng gobyerno.

Tiniyak naman ng PS-DBM at DPWH na patuloy ang kanilang reporma upang mapanagot ang mga tiwaling kontratista at maibalik ang tiwala ng publiko sa paggasta ng pamahalaan.