Hindi pa rin tiyak kung matutuloy ang kauna-unahang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Parliamentary elections na nakatakda sana sa Oktubre 13.
Ito ay matapos maglabas ng Temporary Restraining Order (TRO) ang Korte Suprema kaugnay ng batas na nagreredistrict ng pitong puwesto na orihinal na nakalaan para sa Sulu.
Ayon kay COMELEC Chairman George Erwin Garcia, sinuspinde na ng komisyon ang lahat ng paghahanda para sa halalan hanggang sa mailabas ang pinal na desisyon ng Korte Suprema. Nauna nang naipadala sa BARMM ang mga balota at automated counting machines, ngunit mananatiling hinto muna ang operasyon habang nakabinbin ang kaso.
Sakaling ipasya kasi ng Korte Suprema na ipatupad ang probisyon ng Bangsamoro Autonomy Act No. 77 na may kabuuang 80 parliamentary seats, kakailanganin ng poll body na magsagawa ng panibagong preparasyon. Ito’y dahil sa 73 seats lamang nakatuon ang kasalukuyang plano ng Comelec.
Para naman sa Bangsamoro Transition Authority (BTA), iginagalang nila ang inilabas na TRO ngunit iginiit na hindi ito nangangahulugang labag sa Konstitusyon ang bagong batas na kanilang ipinasa.
Samantala, hindi rin inalis ng Comelec ang posibilidad na humiling ng dagdag na pondo kung muling maipagpaliban ang eleksyon. Kabilang sa mga kakailanganing gastusan mula sa simula ay ang reconfiguration ng automated election system, pagrenta ng automated counting machines, muling pag-imprenta ng mga balota, training ng Electoral Board Members, at iba pang logistical requirements.