Dumating na sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang ipinadalang karagdagang elite Army forces para tiyakin ang mapayapang pagdaraos ng national at local elections sa rehiyon sa araw ng Lunes, Mayo 12.
Sa isang statement ngayong Sabado, iniulat ni Army 6th Infantry Division (6ID) Maj. Gen Donald Gumiran na kahapon dumating na ang contingent mula sa 53rd Division Reconnaisance Company (53rd DRC) sa himpilan ng Tactical Operations Group sakay ng Philippine Air Force C-130 aircraft.
Aniya, ipinadala ang mga piling tropa para tiyakin ang ligtas, mapayapa, maayos, malinis at credible na halalan. Sinusuportahan din aniya nila ang Commission on Elections (Comelec) at iba pang mga ahensiya sa pagpapatibay ng demokratikong integridad ng halalan.
Ang 53rd Division Reconnaisance Company ay binubuo ng 500 opisyal na susuporta sa 90th Infantry Batallion sa mga bayan sa North Cotabato at ilang parte ng Special Geographic Area sa BARMM na inilista ng Comelec bilang hot spot areas.
Sa kasalukuyan, aabot sa 5,000 military personnel ang ipinadala sa area of operations ng 6ID para tumulong na matiyak ang maayos na halalan.