-- Advertisements --

Nilinaw ni Atty. Ferdinand Topacio, legal counsel ni dating Negros Oriental 3rd District Representative Arnolfo Teves Jr. na hindi parin makakalabas si Teves sa pagkakakulong dahil ‘yan sa dalawang nakabinbing kaso ng dating mambabatas.

Tinukoy na ang dalawang kaso ay kaugnay sa kinakaharap ni Teves bilang utak umano sa pagpaslang kay dating Negros Oriental Governor Roel Degamo noong 2023.

Si Teves ay una nang inabswelto ng korte sa umano’y pagpaslang kay Miguel Lopez Dungog na dating provincal board noong 2019.

Ayon kay Topacio, batay sa ruling ng Manila Regional Trial Court Branch 15, pinagbigyan ang inihaing ”demurrer to evidence” ng dating kongresista.

Sinabi rin umano ng korte na nabigo ang prosekusyon na maitaguyod ang prima facie case kaya inabswelto si Teves.

Ngunit ayon sa Department of Justice (DOJ) wala pa silang natatanggap na opisyal na kautusan mula sa korte.

Tiniyak din ng DOJ na gagamitin nila ang lahat ng legal remedies sakaling matanggap na ng prosecution panel ang opisyal na kopya mula sa korte.

Samantala malaki rin ang tiwala ni Topacio na sunod na mababasura ang dalawang kaso laban sa dating kongresista dahil naniniwala siyang ang mga ito ay gawa-gawa lamang ng gobyerno.

‘We are confident, ganon ang mangyayari sapagkat ito naman po ay talagang gawa-gawa lang, binintang lang sa kanya [Teves] para siya’y mapiit. Alam nyo naman po ang gobyernong ‘to, hindi na kayo magtataka sa gobyernong ‘to,’ pahayag ni Topacio.