-- Advertisements --

Iginiit ng Department of Justice na mananatili pa rin sa loob ng kulungan si former Negros Oriental 3rd District Rep. Arnolfo Teves Jr.

Ito’y sa kabila at matapos siyang mapawalang sala sa isa nitong kinakaharap na kasong murder sa naganap na krimen noong 2019.

Ayon kasi kay Justice Spokesperson Atty. Polo Martinez, hindi maaring palayain mula sa pagkakapiit ang dating mambabatas sapagkat meron pang ibang mga kaso na isinampa laban sa kanya.

Habang paglilinaw naman niya na ang kagawaran ay kasalukuyang wala pang natatanggap na opisyal na kautusan mula sa korte nagkukumpirma naibasura ang kaso.

Kahapon kasi ay ipinawalang bisa ng Manila Regional Trial Court Br. 15 ang kinakaharap na kasong murder ni former Negros Oriental Rep. Arnolfo ‘Arnie’ Teves Jr.

Ibinasura ng naturang korte ang isinampang kaso laban sa dating mambabatas may kinalaman sa naganap na pagpatay o pagpaslang kay former board member Michael Dungog.

Pinagbigyan din ng korteng may hawak sa kaso ang inihaing ‘demurrer to evidence’ ni Arnie Teves Jr, at ilang kapwa akusado.

Subalit binigyang diin ni Justice Spokesperson Martinez na tanging sa opisyal at awtentikadong kopya ng ‘court ruling’ na ihahain sa kanilang prosekusyon ang kanilang pagbabasehan.

Samantala, ikinatuwa naman ng kampo ni former Congressman Teves ang inisyung ‘acquittal’ sa isang murder case nitong kinakaharap.

Nanindigan ang kanyang abogado na si Atty. Ferdinand Topacio na ang naturang kaso ay panggigipit lamang kung kaya’t isinamang isampa laban sa dating mambabatas.