Nagsampa ng P110 milyong libel case si Batangas First District Rep. Leandro Leviste laban kay Presidential Communications Undersecretary Claire Castro.
Ayon kay Leviste, isinampa niya ang kaso dahil umano sa mga “libelous statements” ni Castro hinggil sa kanyang solar business.
Nilinaw ni Leviste na wala siyang kumpanyang may prangkisa na ibinenta. Ang kanyang ibinenta ay isang kumpanyang walang prangkisa.
Dagdag pa niya, hindi niya intensyon na saktan si Usec. Castro, ngunit kailangan niyang ipagtanggol ang kanyang pangalan dahil ilang beses na umanong naglabas ng vlog si Castro laban sa kanya.
Ito rin umano ang naging payo ng kanyang abogado na si Atty. Ferdinand Topacio, at aniya, pinagpaplanuhan pa ang iba pang legal na hakbang kaugnay nito.
“Gusto ko pong linawin sa inyong lahat, wala akong binentang prangkisa,” ani Leviste.
Dagdag naman ni Atty. Topacio, hindi nila layong ipakulong si Usec. Castro kundi panagutin ito dahil umano sa maling pahayag na ginawa.
Aniya, mahalagang maipagtanggol ang pangalan at reputasyon ng kanyang kliyente na si Leviste na sinira umano ni Castro “with malice.”
Giit pa ni Topacio, ito ay isang targeted attack laban kay Rep. Leviste at hindi simpleng usapin ng Freedom of Expression.
Samantala, nagpahayag naman si Presidential Communications Undersecretary Claire Castro kaugnay ng kasong libel na isinampa laban sa kanya ni Batangas First District Rep. Leandro Leviste. Ayon kay Castro, hindi pa niya natatanggap ang kopya ng reklamo ngunit tumugon siya batay sa naging panayam kay Leviste.
Binanggit ni Castro na mismong si Leviste ang nagsabi sa isang interview na ang pinagmulan ng impormasyon hinggil sa umano’y pagbebenta ng kumpanyang may prangkisa ay mula kay Ombudsman Remulla, ngunit hindi ito kinasuhan dahil sa personal na paggalang at ugnayan ng kanilang pamilya.
“Pero ang response ko sa ngayon ay ayon lamang muna sa kanyang interview. Inamin ni Cong. Leviste sa isang interview na ang source ng di umano’y pagbebenta ng company na may franchise ay galing kay Ombudsman Remulla. Pero hindi niya sasampahan ng kaso ang Ombudsman dahil sa ginagalang niya ito at kaibigan ng nanay niya,” wika ni Castro.
Tinuligsa ni Castro ang umano’y double standard ni Leviste, na handang kasuhan siya ngunit hindi ang Ombudsman. Giit niya, kung may batayan ang pahayag ng Ombudsman, bakit ang kanyang mga pahayag na mula rin sa parehong source ay itinuturing na libelous.
Dagdag pa ni Castro, inamin mismo ni Leviste na hindi na siya ang may-ari ng Solar Para sa Bayan, ang kumpanyang may prangkisa, dahil naibenta na niya ang kanyang shares.
Ayon kay Castro, malinaw na si Leviste mismo ang naging pinagmulan ng impormasyon. Aniya, ang pagsasampa ng kaso ay paraan lamang upang siya ay patahimikin at pigilan sa pagtatalakay ng mga isyu.
Binigyang-diin pa niya ang tanong kung sino ang tunay na nasa likod ng kaso, sino ang nais na busalan ang kanyang bibig, at sino ang makikinabang sa hakbang na ito. Sa huli, sinabi ni Castro na mas makabubuting ituon ni Leviste ang pansin sa mga isyung inilabas ng Department of Energy laban sa Solar PH at sa multang ipinataw dito.















