Muling hiniling ng mga abogado ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) pre-trial chamber na agad aksyunan ang kanilang petisyon para sa pansamantalang paglaya, isang buwan bago ang nakatakdang confirmation hearing ng dating lider sa The Hague.
Sa isang heavily redacted na dokumentong may petsang Agosto 19, iginiit ng depensa naagad nang palayain si Duterte sa ilalim ng anumang kondisyong itatakda ng korte.
Ayon pa sa mosyon, maaaring hindi dumalo si Duterte sa confirmation proceedings, ngunit kung kakailanganin, maaari itong isagawa sa pamamagitan ng videoconferencing. Dagdag pa rito, tiniyak ng depensa na maaari ring masiguro ang monitoring conditions at contact restrictions sa pamamagitan ng [REDACTED].
Tinuligsa rin ng punong abogado ni Duterte na si Nicholas Kaufmann ang posisyon ng Prosecution na kinakailangan ang isang ad hoc cooperation agreement para sa pansamantalang paglaya. Aniya, ilusyon lamang ito dahil tanging dalawang bansa pa lang ang may ganitong kasunduan sa ICC.
Giit ng depensa, nakahanda na ang [REDACTED] na sumunod sa lahat ng kondisyong nakasaad sa Article 4(2) ng Model Agreement on Interim Release.
Noong nakaraang buwan, humiling na rin ang kampo ni Duterte na ipagpaliban muna ng ICC ang pagdedesisyon sa kanilang petisyon hanggang makumpleto ng depensa ang lahat ng kailangang impormasyon.
Matatandaang nasa detention facility ng ICC si Duterte simula pa noong kalagitnaan ng Marso matapos siyang ipasakamay ng mga awtoridad ng Pilipinas sa international tribunal, batay sa request ng Interpol.
Si Duterte, ika-16 na pangulo ng bansa, ay nahaharap sa kasong crimes against humanity kaugnay ng libu-libong pagpatay sa ilalim ng kanyang war on drugs, kung saan kabilang sa mga biktima ang mga menor de edad. (report by Bombo Jai)