-- Advertisements --

Sisimulan na ng House of Representatives ang pagtalakay sa kontrobersiyal na anti-political dynasty law.

Ayon kay Committee on Suffrage and Electoral Reforms Chair at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, nakatakda ang paunang pagdinig sa Enero 13, 2026, at palalawakin ang konsultasyon upang maisama ang publiko. 

Giit ni Adiong na hinahanap na ng taumbayan ang linaw kung saan papunta ang bansa hinggil sa nasabing panukala.

Nakikita naman ni Adiong ang mabilis na pag-usad ng panukalang batas dahil parehong sumusuporta rito ang mayorya at minorya.

Matatandaang inilista ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III noong Nobyembre 10, 2025 ang anti-dynasty bill bilang isa sa kanyang mga prayoridad, kasama ang pagtatatag ng Independent Commission Against Infrastructure Corruption (ICAIC). Pareho ring binigyang-prayoridad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang dalawang panukala sa naganap na pulong ng LEDAC.

Para naman kay Manila Rep. Ernesto Dionisio Jr., ang pagtulak ng Pangulo sa anti-dynasty bill ay “malakas na signal” ng suporta ng Malacañang, na makaaapekto sa tindig ng mga mambabatas. Idiniin niya ang pangangailangan ng malinaw na depinisyon ng “dynasty” at balanseng pagpili para sa mga botante.