-- Advertisements --

Nahigitan ng Kamara de Representantes, sa ilalim ng pamumuno ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, ang trust at satisfaction ratings ng Senado na isang katunayan na nakikita ng publiko ang mahusay na pagtatrabaho ng mga kinatawan ng Mababang Kapulungan.

Ayon kay Bicol Saro Rep. Terry Ridon, chairman ng House Committee on Public Accounts, malinaw sa pinakahuling survey ng OCTA na nagpapakitang bahagyang nalampasan ng Kamara ang Senado sa trust at performance ratings – na ang “steady, consistent work” sa ilalim ni Speaker Romualdez ay hindi nakalampas sa mata ng publiko.

Batay sa July 2025 OCTA survey, nakatanggap ang Kamara ng 57% trust rating mula sa dating 49%, at satisfaction rating na 55% mula sa dating 47%. Nalampasan nito ang Senado na nagtala ng 49% at 47%, ayon sa pagkakasunod.

Ayon kay Ridon, karaniwang mas mataas ang Senado sa parehong sukatang ito, ngunit ngayon ay malinaw na bunga ito ng tuloy-tuloy na pagtutok ng Kamara sa mga isyung mahalaga sa karaniwang Pilipino.

Binigyang-diin ni Ridon, inklusibo at tutok ang pamumuno ni Speaker Romualdez, at laging kasama sa gawain ng mga miyembro.