Inihayag ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na plano nilang bigyan ng atensiyon ang kalat-kalat na mga government websites sa bansa.
Nais umano ng naturang kagawaran na ito’y masolusyonan at maisayos para hindi na magtungo pa ang publiko sa iba’t ibang mga lugar kung saan naroon ang mga pasilidad o tanggapan ng gobyerno.
Ayon kay Undersecretary David Almirol Jr. ng Department of Information and Communications Technology, nasa higit 1,000 government services pati mga mobile application nito ang nagkalat kaya’t ang pagproseso sa mga kinakailangang dokumento ay mas tumatagal pa.
Giit niya na dahil sa pagkakahiwalay ng mga sistemang gamit ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno, ang isang indibidwal na nag-aasikaso ng kanyang mga aplikasyon ay paulit-ulit pang nagre-register sa bawat dokumentong kailangan nito.
Kaya naman iminungkahi ng naturang undersecretary na gumamit ng kanilang inilunsad na eGov PH mobile application para mas mapadali ang pagproseso sa mga nilalakad na papeles o anumang aplikasyon.
Dagdag pa rito, ipinagmalaki din ni Undersecretary David Almirol Jr. na dahil sa panibagong feature ng eGov PH app, ang higit 1,000 government sites ay kanila ng inilagay o isinama na rin dito.
Kung saan posible na ngayong makapag-asikaso ang isang indibidwal ng kanyang mga kinakailangang dokumento habang nasa loob lamang ng kanyang tahanan.
Ipinagmalaki din niya na bunsod nito ay maari ng makakuha o makapag-apply ng trabaho ang mga Pilipino gamit lamang ang naturang application.
Samantala, ibinahagi pa ng kagawaran na may bagong idinagdag silang feature sa naturang application.
Idinagdag nila pati ang Presidential Action Center upang mas mabilis na makakonekta ang publiko sa mga nangangailangan ng serbisyong hatid ng tanggapan nito.