-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Hustisya ang sigaw ng pamilya ng junkshop owner na binaril patay sa Purok 4, Marana 1st, City of Ilagan.

Ang biktima ay si Manuel Camungao, 44-anyos, may asawa at residente ng Sta. Victoria, lungsod ng Ilagan.

Batay sa inisyal na pagsisiyasat ng City of Ilagan Police Station, bago ang insidente ay minamaneho ni Camungao ang kanyang forward truck patungo sa bayan ng Cabagan upang magbagsak ng mga lata na mula sa kanyang junk shop kasama ang isa niyang trabahador.

Nang makarating sa pinangyarihan ng insidente ay bigla na lamang pinaputukan ang biktima sa loob ng kanyang minamanehong sasakyan ng hindi pa nakikilalang mga salarin na kapwa nakasuot ng kulay itim na damit, nakahelmet at lulan ng motorsiklo.

Nagawa pang makalabas ng sasakyan ang biktima upang humingi ng tulong ngunit sinundan ng mga salarin at muling pinagbabaril na dahilan ng kanyang pagkasawi.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, pitong putok ng baril ang pinakawalan ng gunman at anim ang tumama sa katawan ng biktima.

Nagtungo umano sa pahilangang direksyon ang mga suspek kaya nakipag-ugnayan na ang pulisya sa lunsod sa mga checkpoint at mga kalapit na himpilan ng pulisya para sa posibleng pagkakatukoy at pagkakatunton ng mga salarin.

Samantala, sa naging panayam naman ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Perlita Camungao, asawa ng biktima, sinabi niya na wala silang alam na dahilan sa pagpaslang sa kanyang asawa dahil wala naman siyang nakaalitan o nakaaway.

Hiling ngayon ng kanilang pamilya ang hustisya para sa kanyang mister.