-- Advertisements --

Itinaas na sa Blue Alert ang alert status ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) dahil sa banta ng mga pag-ulang dulot ng low pressure area (LPA) at tropical depression na nakaka-apekto sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.

Unang nakataas ang White Alert status sa naturang ahenisya kasunod ng mga serye ng pag-ulan sa mga nakalipas na araw.

Nangangahulugan ito ng malawakang paghahanda ng Disaster Response Command Center (DRCC) ng naturang ahensiya para sa mabilisan at maagang paghahatid ng tulong sa mga posibleng maaapektuhan ng kalamidad.

Sa isang statement na inilabas ng ahensiya, sinisiguro nito ang pagsubaybay sa kalagayan ng mga residente na pangunahing naaapektuhan sa mga serye ng pag-ulan.

Sa kasalukuyan, mayroon ding tatlong milyong family food packs na nakahandaang agad na ipamahagi sa mga inisyal na natukoy na maaaring maapektuhan sa kalamidad, habang nagpapatuloy ang repacking at repositioning sa iba pang supplies.

Batay sa huling ulat ng state weather bureau, ang low pressure area na nasa hilagang silangan ng Tuguegarao City ay patuloy na nagpapaulan sa maraming lugar habang unti-unti ring lumalapit sa kalupaan ng bansa ang tropical storm Mun na kasalukuyang nasa labas ng Philippine Area of Responsibility.