-- Advertisements --

Kinondena ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at National Council on Disability Affairs (NCDA) ang paggawa ng pelikulang “Ngongo”, dahil umano sa paggamit nito ng mapanlait at discriminatory language laban sa mga persons with disabilities (PWDs).

Ayon kay DSWD spokesperson Asst. Sec. Irene Dumlao, hindi dapat tinotolerate ang anumang uri ng diskriminasyon sa media o sa komunidad.

Nagpahayag din ang NCDA ng pag-aalala dahil aniya’y pamagat at promosyon ng pelikula na lumalabag umano sa mga batas na nagpoprotekta sa dignidad at karapatan ng PWDs, kabilang ang RA 7277, RA 9442, at ang UN Convention on the Rights of Persons with Disabilities.

Iginiit ng NCDA na hindi dapat ginagamit ang kapansanan bilang katatawanan o libangan, at may responsibilidad ang media na magtaguyod ng tamang representasyon.

Sinang-ayunan ito ng DSWD, na nagsabing ang maling portrayals ay nagpapalakas sa negatibong pananaw sa lipunan.

Tiniyak ng DSWD ang suporta nito sa NCDA sa pagtataguyod ng respect, dignity, at freedom ng sektor ng PWDs.

Sa ngayon ay wala pang pahayag ang direktor ng pelikula na si Darry yap ukol sa isyu.