-- Advertisements --

Tinanggap ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang credentials ng bagong itinalagang embahador ng Chile at China sa isang pormal na seremonya sa Malacañan Palace nitong Huwebes.

Ipinasa kay PBBM ang letters of credence nina His Excellency Felipe Alejandro Diaz Ibañez ng Chile at His Excellency Jing Quan ng China. 

Binati ng Pangulo ang dalawang opisyal at tiniyak ang kahandaang palawakin pa ang ugnayan ng Pilipinas sa kanilang mga bansa.

Pinuri ni Marcos ang matagal nang magandang relasyon ng Pilipinas at Chile, at nagpahayag ng kumpiyansa na higit pa itong lalalim. 

Si Diaz ay dating nagsilbi bilang consul sa Chilean Embassy sa Pilipinas mula 2003 hanggang 2008.

Sa pagtanggap naman sa bagong Chinese envoy, binigyang-diin ng Pangulo na mahalagang kaibigan at partner ng Pilipinas ang China. 

Aniya, hangad niyang mapalakas ang kooperasyon at maayos na mapangasiwaan ang mga pagkakaiba sa pagitan ng dalawang bansa.

Nangako ang dalawang embahador na pagtitibayin ang bilateral cooperation at friendly relations sa Pilipinas. 

Ang presentation of credentials ang hudyat ng pormal na pagsisimula ng kanilang diplomatic tenure.