Nagpahayag muli ng pagkabahala ang mga top diplomat ng Quad sa lumalalang sitwasyon sa West Philippine Sea at South China Sea dahil sa umano’y tuloy-tuloy na aggresyon na nangyayari sa mga naturang karagatan.
Bagaman hindi direktang pinangalanan ang bansang gumagawa nito, inisa-isa ng mga top diplomat ang ilan sa mga mapanghamong kilos na nangyayari sa dalawang katubigan tulad ng panghihimasok sa mga offshore development na ginagawa ng mga maliliit na bansa; at pagpigil sa mga barko ng ibang bansa na maglayag sa karagatan, salig sa itinatakda ng freedom of navigation and overflight.
Pinuna rin ng grupo ang mapanganib na maniobra na patuloy na ginagawa ng mga military arcraft at mga coast guard at militia vessel, mula sa palagiang paggamit ng water cannon laban sa ibang barko hanggang sa mga serye ng ramming incident at biglaang pagharang sa mga naglalayag na barko.
Ikinababahala ng grupo na ang lahat ng ito ay bahagi ng nangyayaring militarisasyon sa mga nabanggit na karagatan.
Binigyang-diin ng grupo ang kahalagahan ng pagpapairal ng mga itinatakda ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) para sa katatagan at pagpapanatili ng kapayapaan sa WPS at ECS.
Nagpahayag din ng suporta ang Quad ministers sa pagresolba sa mga maritime dispute sa pagitan ng mga bansang dinadaanan ng mga naturang karagatan, sa mapayapang paraan nang nakabatay sa mga itinatakda ng international law.
Kung babalikan nitong Hulyo-1 ay nagsagawa ng pagpupulong ang mga Quad top diplomat sa US at ang sitwasyon sa WPS at ECS ang isa sa mga pangunahing tinalakay.
Muli ring nagpahayag ng pagsuporta ang grupo sa hangarin ng Association of Southeast Asian Nations na mapagbuklog ang mga miyembro nito, kasama na ang iba pang regional organization tulad ng Pacific Islands Forum, Indian Ocean Rim Association atbpa.