Muling iginiit ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na walang sinumang dayuhang kapangyarihan, kabilang ang China, ang maaaring magdikta kung paano ipagtatanggol ng Pilipinas ang sarili at kung kaninong panig ito papanig.
Pahayag ito ng AFP kasunod ng pagbatikos ng China sa mga joint air patrol na isinagawa ng Pilipinas at Estados Unidos sa himpapawid ng West Philippine Sea noong Abril 28. Ayon kay AFP spokesperson Col. Francel Padilla, ang mga ganitong aktibidad ay lehitimong bahagi ng depensa ng bansa.
Ani Padilla, ang Pilipinas ay isang soberanong estado. Walang ibang bansa ang puwedeng magtakda kung paano ipagtatanggol ang ating teritoryo
Dagdag pa niya, ang mga hakbang ng AFP ay nakabatay sa international law, partikular sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), at layuning mapanatili ang kaayusan sa rehiyon.
Gamit sa patrol ang tatlong FA-50 ng Philippine Air Force at ilang F-16, F-18, at B-1B bomber mula sa US Air Force. Ayon sa AFP, layunin ng operasyon ang pagpapalakas ng ugnayan, kahandaan, at depensang kolektibo ng mga bansang may parehong pananaw ukol sa kapayapaan at seguridad. (report from Bombo Jai)