Nangako ang pamunuan ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) na kanilang pakakawalan sa kapaskuhan ang kanilang binihag na dalawang sundalo at 12 CAFGU sa Agusan del Sur, para makapiling ang kanilang mga pamilya.

Ito ang inihayag ni CPP founding chair Jose Maria Sison sa isang statement kasabay nang pagsasabi na ito ay sa kondisyon na itigil ng militar ang kanilang opensiba.

Ani Sison, ito rin daw ay para mabigyang-daan ang negosasyon para sa pagpapalaya sa mga binihag na sundalo at CAFGU sa pamamagitan ng 3rd party negotiators.

Magugunitang nakubkob ng 50 hanggang sa 80 NPA ang Brgy. New Tubigon, Sibagat, Agusan del Sur nitong nakalipas na Miyerkules ng alas-3:00 ng madaling araw.

Bukod sa pagbihag sa mga sundalo at CAFGU nang walang naganap na putukan, natangay din ng NPA ang lahat ng mga armas ng mga tropa ng pamahalaan.

Ayon kay 4ID commander M/Gen. Ronald Villanueva, batay sa inisyal na imbestigasyon, natutulog umano ang lahat ng mga sundalo sa kampo nang sumalakay ang NPA.