-- Advertisements --

Nanindigan ang Chinese Embassy sa Maynila na legal na prerogatibo umano ng gobyerno ng China na magpataw ng sanctions laban kay dating Senator Francis Tolentino.

Inihayag din nito na may consequences o kahihinatnan ang pananakit sa interes ng China.

Ginawa ng embahada ang pahayag matapos ipatawag ng Asia-Pacific division ng Department of Foreign Affairs si Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian para ipaabot ang mariing pagprotesta ng panig ng Pilipinas sa pagbabawal ng gobyerno ng China sa dating mambabatas na pumasok sa kanilang mga teritoryo sa mainland China kabilang na sa Hong Kong at Macau dahil umano sa mga inasal ng dating government official sa mga isyu may kaugnayan sa China.

Sa isang statement, sinabi ng Chinese embassy na ipinaalam ng Chinese Ambassador sa DFA ang desisyon ng gobyerno ng China na patawan ng sanction si dating Sen. Tolentino.

Binigyang-diin ng embahada na sa loob ng mahabang panahon, dala ng makasariling interes, ilang mga pulitiko umano sa PH na kontra-China ang naghayag ng mga masasamang salita at kumikilos sa mga isyung may kinalaman sa China na nakakapinsala sa interes nito at sa relasyon ng China at PH.

Ipinunto pa ng Chinese embassy na mariing nanindigan ang gobyerno ng China sa pagdepensa ng kanilang pambansang soberaniya, seguridad at interes sa pag-unlad.

Subalit sa panig naman ng DFA, pinaalalahanan nito ang Chinese envoy na isang demokratikong bansa ang PH na nagpapahalaga sa kalayaan ng pagpapahayag.

Mandato din aniya ng mga Senador at iba pang mga nahalal na opisyal na makialam sa mga usapin sa national at public interests.

Sinabi pa ng DFA na ito ay nakatuon sa pagtugon sa mga pagkakaiba sa pamamagitan ng diplomasya at diyalogo habang nakikipag-ugnayan sa China sa isang konstruktibong paraan upang isulong ang pagkakaunawaan sa isa’t isa.