Hinimok ni Davao City first district Rep. Paolo Duterte ang mga biktima ng drug abuse at mga komunistang rebelde na lumantad at isiwalat ang aniya’y kalupitan at paglilinlang ng mga naturang grupo na patuloy na naghahasik ng karahasan sa ating bansa.
Sa isang statement, binigyang diin ng mambabatas na kailangang waksan na ang katahimikan at ilantad ang mga krimen na nagawa ng mga sangkot sa iligal na droga at insurhensiya na kagagawan ng New People’s Army (NPA).
Saad pa ni Cong. Duterte na ang kanilang pananahimik ay nagpapahintulot sa patuloy na mga operasyon ng naturang mga grupo.
Hindi din napigilan ng mambabatas na isisi sa NPA na tinawag niyang isang teroristang grupo at hindi mga biktima na dahilan kung bakit libu-libong Pilipino ang nawalan ng buhay, tirahan at hinaharap. Sa halip na ipaglaban aniya ang kapayapaan, nagdadala ang mga ito ng karahasan takot at extortion sa mga komunidad.
Kaugnay nito, bilang suporta sa posisyon ng kaniyang ama at dating Pangulong Rodrigo Duterte, kaniyang hinimok ang bawat Pilipino na nabiktima ng NPA o drug addicts na magsalita at huwag hayaan ang mga terorista na baluktutin ang katotohanan.
Ginawa ni Cong. Duterte ang pahayag sa gitna ng panibagong pagsisikap ng mga mambabatas at security officials para matugunan ang insurhensiya sa bansa at mga krimeng may kaugnayan sa iligal na droga partikular na sa Mindanao at iba pang bulnerableng mga lugar.