-- Advertisements --

Ginawaran ng parangal ni Armed Forces of the Philippines Chief of Staff General Romeo Brawner Jr. ang 12 sundalo na nagpamalas ng pambihirang katapangan sa kanilang pakikipagsagupa laban sa mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa probinsiya ng Surigao del Norte.

Ayon sa 4th Infantry Division (4ID) ng AFP, binista ni Gen. Brawner noong Huwebes ang 901st Infantry Brigade headquarters sa Sta. Cruz, Placer, Surigao del Norte para gawaran ang dalawang opisyal at 10 enlisted personnel ng Gold Cross Medals, Silver Cross Medals at Military Merit Medals para sa kanilang katapangang ipinamalas sa magkakasunod na engkwentro sa lugar.

Nagresulta ang naturang operasyon sa pagkakalansag ng limang guerillas ng NPA kasama ang isa sa most wanted na rebeldeng lider sa Caraga region.

Inihayag naman ng AFP chief na kasunod ng tagumpay na ito ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas laban sa rebeldeng grupo, maaari na itong tumutok sa pagpapalakas ng territorial integrity at epektibong pagtugon sa mga panlabas na hamon sa seguridad ng ating bansa.

Ang pagbisita naman ng liderato ng AFP sa probinsiya ay para mapataas ang morale at kapakanan ng mga tropang sundalo na nasa frontline ng labanan kontra sa natitira pang pwersa ng NPA sa Caraga region.