-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Lima pa sa mga natitirang kasapi ng rebeldeng grupong New People’s Army o NPA-Northeastern Mindanao, na nag-operate sa Caraga Region, ang na-neutralize kasunod ng sunod-sunod na engkuwentro sa Barangay Bugas-Bugas, bayan ng Placer, Surigao del Norte.

Ang operasyon ay inilunsad ng pinagsamang pwersa ng 30th Infantry (Fight On) Battalion, 901st Infantry Brigade, at mga intelligence units sa ilalim ng 4th Infantry (Diamond) Division, simula noong Biyernes, Hunyo a-13, hanggang kahapon, Linggo, Hunyo a-15.

Unang napatay si Roderick Maco Bensing, alyas Rodel, ang pinuno ng nasabing grupo dito sa Caraga Region, kasama ang dalawang kasamahan niya, kabilang si Liezl Dagohoy Mondejar, na namatay rin habang ginagamot sa ospital dulot ng malulubhang sugat.

Ayon kay Second Lieutenant Allen Villavicencio, pinuno ng platun ng 30IB, naganap ang unang engkuwentro pasado alas-otso kahapon ng umaga, na nagresulta sa pagkarekober ng isang bangkay.

Ang ikalawang mandirigma na isang babae, ay natagpuang malubha ang mga sugat at dinala pa sa ospital, ngunit kalaunan ay pumanaw din. Pagsapit ng alas-onse ng umaga, naganap ang ikalawang engkuwentro, kung saan isa na namang katawan ang natagpuan.

Samantala, nitong mga nagdaang araw, sumuko si Ricky Per, alyas Rem — isang mataas na lider ng NPA sa rehiyon — na isinuko ang isang .45 kalibreng pistola kasabay ng pagturo niya sa isang taguan ng mga armas dahilan ng pagkarekober ng isang M16 rifle, isang rifle grenade, mga bala, mga magazine, mga bandolier, at mga cellular phone.

Naaresto rin ang isa pa nilang kasapi na si Allan Cacatian, na kilala rin bilang alyas Allen.

Naganap ang sunod-sunod na engkuwentro dulot ng inilunsad na seguridad upang hadlangan ang pagtatangka ng NPA na muling makontrol ang Surigao del Norte, isang lugar na idineklara nang insurgency-free. Ang muling pagkabigo ng mga rebelde ay nagpapakita ng dedikasyon ng mga komunidad at pwersang panseguridad na panatilihin ang kapayapaan at katahimikan.