Pinasinungalingan ni Philippine Navy Spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Roy Vincent Trinidad ang mga balita at pahayag ng China na nagsagawa sila ng joint sea at air patrols sa katubigan ng West Philippine Sea.
Sa isang pulong balitaan sa mismong kampo ng Armed Forces of the Philippines (AFP), binigyang-diin ni Trinidad na wala silang na-monitor na anumang mga koordinasyon mula sa China hinggil sa naturang pagsasagawa ng patrolya sa WPS.
Tanging mga illegal na presenya lamang ng Chinese Communist Party ang kanilang namataan sa WPS habang nagsasagawa ng maritime exercises ang Pilipinas kasama ang Japanese Navy.
Kasunod nito, tinawag naman ni Trinidad na isang paraan ng pagpapakalat ng mga maling impormasyon at pagpapalaganap ng fake news ang mga naging pahayag na ito ng China.
Ito ay ginagawa lamang aniya ng China para subukang mabago ng China ang mga internal at domestic na naratibo ng naturang bansa sa kanilang mga claims sa mga teritoryo ng Pilipinas.
Giit pa ni Trinidad, hindi rin totoo na nanliligaw at nangiimbita ang Pilipinas ng ibang bansa para makilahok sa mga maritime at joint exercises sa WPS.
Muli namang inihayag at nanindigan si Trinidad na ang illegal na ang mismong presensya at mga sasakyang pandagat ng China ay dapat ng umalis at lumabas ng exclusive economic zone (EEZ) ng bansa.
Tiniyak naman ng Philippine Navy at ng Armed Forces of the Philippines na sila ay patuloy na naninindigan na maprotektahan ang mga teritoryo ng Pilipinas sa katubigan ng WPS at titiyaking hindi maaapektuhan ang soberanya ng Pilipinas.