Natuklasan sa loob ng isang eroplano ng Cebu Pacific sa Zamboanga International Airport nitong Sabado ang isang bomb threat na nakasulat sa piraso ng toilet paper.
Bandang 8:20 ng umaga, habang nagsasagawa ng routine inspection ang isang cabin crew member matapos bumaba ang mga pasahero, natagpuan ang isang piraso ng tissue sa isa sa mga palikuran ng eroplano na may nakasulat na “may bomba.”
Agad na iniulat ng flight attendant ang natuklasang mensahe sa mga ground security personnel, na naging dahilan upang i-activate ang mga aviation security protocols.
Agad namang nagsagawa nang masusing inspeksyon ang Aviation Security Unit (AVSEUCU9) sa eroplano at natapos ang paneling process bandang 8:58 ng umaga, kung saan walang natagpuang anumang pampasabog.
Bilang pag-iingat, isinagawa rin ang paneling operations sa Passenger Terminal Building ng paliparan.
Pagsapit ng 8:59 ng umaga, idineklara nang kontrolado na, at nagpatuloy na ang normal na operasyon sa Zamboanga International Airport.
Itinuturing ng CAAP ang insidente bilang isang seryosong usaping pangseguridad.
Mahigpit na ipinaaalala sa publiko na ang paggawa ng bomb threat — sa pamamagitan man ng salita, sulat, o anumang pamamaraan — ay maaaring parusahan sa ilalim ng Presidential Decree No. 1727, na nagpaparusa sa sinumang sadyang nagpapakalat ng maling impormasyon kaugnay sa mga bomba o pampasabog.