Ligtas nang idineklara at walang nakitang anumang pampasabog sa walong paaralan sa San Fernando City, Pampanga matapos makatanggap ang mga awtoridad ng ulat hinggil sa bomb threat na kumalat sa social media.
Ayon sa San Fernando City Police, kabilang sa mga paaralang sinuri ang Potrero National High School at pitong elementarya na matatagpuan sa iisang compound.
Kabilang dito ang Duat Elementary School, San Antonio Elementary School, Balas Elementary School, Sta. Barbara Elementary School, Bacolor Elementary School, Potrero Elementary School, at Parulog Elementary School.
Agad na rumesponde ang mga pulisya matapos makatanggap ng ulat sa kanilang hotline kaugnay ng isang Facebook post na naglalaman umano ng banta ng pambobomba.
Batay sa imbestigasyon, ilang araw na umanong nakatatanggap ng kahalintulad na banta ang Potrero National High School bago pa ito iniulat sa iba pang paaralan.
Nagsagawa ng masusing inspeksyon ang Pampanga Provincial Explosive and Canine Unit upang matiyak ang kaligtasan ng mga estudyante, guro, at kawani ng paaralan.
Matapos ang pagsusuri, kinumpirma ng mga awtoridad na walang nakitang explosive materials sa alinmang paaralan at tuluyang na-secure ang lugar.
Dahil dito, pinayagan nang ipagpatuloy ang klase sa mga naturang paaralan.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng Philippine National Police upang matukoy ang pinagmulan ng online bomb threat.
















