-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Kinansela ng St. Dominic School of Kalibo sa lalawigan ng Aklan ang klase matapos itong bulabugin ng isang bomb threat na natanggap sa pamamagitan ng messenger mula sa nagpakilalang suspek na si alyas “Abdul Louise”, bandang alas-9 ng umaga ng Huwebes, Disyembre 4, 2025.

Ayon kay P/Capt. Jover Ponghon, deputy chief of police ng Kalibo Municipal Police Station, nakatanggap umano ng mensahe mula sa Facebook messenger ang isang Grade 9 learner na nagpapahiwatig na may bomba umanong itinanim sa ground floor, gayundin sa ika-tatlo at ika-apat na palapag ng nasabing paaralan at kailangang mahanap agad dahil anumang oras ay sasabog ito.

Nang mabasa ng estudyante ay agad niya itong ipinaalam sa kanyang guro at school principal na agad namang itinawag sa pulisya.

Agad rin na nagdeklara ng pagsuspinde ng klase at pinauwi ang lahat ng estudyante mula Kindergarten hanggang Grade 12.

Magkasama ang SWAT Team at Explosive and Ordinance Division ng Aklan Police Provincial Office bitbit ang kanilang mga K-9 sniffing dogs na nagsagawa ng clearing operation sa buong paaralan pati na rin sa labas nito.

Bandang alas-10:55 ng umaga o makalipas ang mahigit isang oras at kalahati ay idineklarang clear sa bomba ang buong paaralan.

Sa kabilang daku, inimbestigahan na ng pulisya kung konektado ang insidente sa nangyaring sunud-sunod na bomb threat sa Iloilo noong nakaraang mga linggo.

Nagbigay naman ng P20,000 na pabuya si Kalibo Mayor Juris Sucro sa kung sinumang makapagbibigay ng impormasyon kaugnay sa insidente.