-- Advertisements --

Patuloy na pinapaigting ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP ACG) ang kanilang kampanya laban sa mga indibidwal na gumagamit ng internet para maghasik ng mga bomb threats sa mga paaralan at komunidad.

Natitiyak ng PNP ACG na ang mga nasa likod ng mga pananakot ay kanilang nakikilala na at nasasampahan na ng kaukulang kaso.

Mula pa noong Enero ay mayroong walong kaso na ng mga online bomb threat ang kanilang nasampahan na ng kaso sa korte.

Ang pinakahuling insidente ay noong Hulyo 8, 2026 kung saan magkasunod na bomb threat ang naitala sa mga paaralan sa Cavite.

Nag-post sa social media ang mga suspek na mayroon silang itinanim na bomba sa ilang paaralan.

Muling ipinaalala ng PNP ACG sa publiko na mayroong pananagutan sa batas ang pagbabanta ng bomb jokes o threats maging sa social media man ito o alin mang uri ng messaging apps.

Maaring makulong ang mga nasa likod ng bomb threat ng hanggang limang taon at pagmumulta ng nasa P400,000.