-- Advertisements --

Arestado ang isang tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa umano’y P500,000 “slot-for-sale” recruitment scam sa San Fernando City, Pampanga.

Ayon sa imbestigasyon, lumapit sa awtoridad ang biktimang BFP applicant nang makatanggap ito ng mensahe online mula sa isang dummy account na umano’y pagmamay-ari ng suspek at nag-aalok umano ng “backer” assistance sa aplikasyon ng biktima kapalit ng nasabing halaga.

Agad nakipag-ugnayan ang aplikante sa BFP at Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) upang magsagawa ng entrapment operation kung saan naaresto ang nasabing opisyal.

Giit naman ni BFP Region 3 Acting Regional Director ESSupt.Bernard T. Rosete, walang bayad ang pagpasok sa BFP at tanging kwalipikasyon, performance, at katangian ang magdidikta ng oportunidad na maging bahagi ng BFP. (report by Bombo Angeline Domingo)