KALIBO, Aklan — Ipinag-utos ng Department of Education Western Visayas sa mga paaralan na magpatupad ng mas mahigpit na seguridad matapos ang sunod-sunod na bomb threat sa pamamagitan ng text message na natanggap ng halos 20 public, private, at state universities na nagbibigay ng basic education mula sa lalawigan ng Iloilo, Iloilo City, Guimaras at Antique.
Ayon kay DepEd Region 6 spokesperson Hernani Escular Jr., ito ay batay sa ipinalabas nilang memorandum, kung saan inatasan ang mga security personnel na mas paigtingin ang seguridad sa loob ng mga paaralan sa pamamagitan ng mas mahigpit na inspekyon at pagsiyasat sa bag ng mga estudyante, empleyado, at bisita gayundin ang mga sasakyang pumapasok sa campus gamit ang mga kagamitan pang-seguridad upang matiyak na walang ipinagbabawal na bagay ang maipapasok.
Pinapayuhan rin ang mga ito na maging maingat at mapagmatyag sa paligid at makipag-ugnayan kaagad sa mga awtoridad sakaling may mapansing kahina-hinalang aktibidad.
Samantala, sinabi ni Escullar na simula kahapon balik na sa normal ang klase at trabaho sa mga apektadong paaralan kasunod ng suspension ng in-person classes at lumipat sa alternative delivery modes matapos na bigyan ng clearance ng Philippine National Police Explosive Ordnance Disposal.
Ipinasiguro din ng DepEd na may sapat silang mga trained personnel na nagbibigay ng psychological first aid sa mga apektadong indibidwal upang mapangalagaan ang kanilang kapakanan at mental health.
















