BUTUAN CITY – Kinumpirma ni Surigao City Mayor Pablo Yves Dumlao II na nakipag-alyansa na ang pamahalaang lungsod sa Surigao Metropolitan Water District (SMWD) matapos akuin ng water district ang operasyon ng Prime Water Infrastructure Corporation (PWIC) kasunod ng pagkansela ng kanilang business permit.
Tinututukan nila ngayon ang mga estratehiya para sa modernisasyon ng lokal na sistema ng tubig matapos ang kanselasyon ng kontrata ng Prime Water. Ito’y lalo na’t kinakailangan ang mas malapit na partnership upang makapagbigay ng mas maaasahan at pangmatagalang suplay ng tubig sa lahat ng Surigaonons.
Inihain na ng Local Government Unit ang isang panukalang proyekto na idinisenyo upang suportahan ang rehabilitasyon at pagpapaunlad ng mga pasilidad ng tubig, upang matugunan ang lahat ng umiiral na kakulangan sa imprastraktura at masiguro ang mas mahusay na paghahatid ng serbisyo sa mga kabahayan.
Ayon kay SMWD General Manager Engr. Benjamin Ensomo Jr., sila na ang umako sa operasyon ng PWIC, kabilang ang pagbibigay ng malinis na inuming tubig sa mga mamamayan ng lungsod at sa mga karatig-bayan ng San Francisco at Sison sa Surigao del Norte.
Sa ilalim ng Presidential Decree No. 198, sila rin ang inatasan sa pagpapanatili ng mga pasilidad ng tubig, kabilang ang mga kagamitan at pangongolekta ng bayarin.
















