Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. (PBBM) na matagumpay na nakadiskubre ang Pilipinas ng natural gas sa Malampaya East-1, ang kauna-unahang malaking tuklas sa sektor ng enerhiya sa loob ng mahigit isang dekada at may katumbas na 14 na libong kilowat hours ng kuryente sa isang taon.
Ibig sabihin kaya nitong makapag suplay ng kuryente sa mahigit 5.7 milyong kabahayan, 9,500 na mga gusali o halos 2 daang libong paaralan sa loob ng isang taon.
Bukod sa natural gas ay ibinalita rin ng Pangulo ang pagkakadiskubre sa condensing, isang high value liquid fuel na makakatulong din aniya sa pagsisikap ng pamahalaan na mapalakas pa ang power supply ng bansa.
Ayon sa Pangulo, ang naturang pagtuklas ay nagbibigay ng panibagong sigla sa patuloy na pagsisikap ng pamahalaan na matiyak ang matatag at maaasahang suplay ng enerhiya para sa bansa.
Mahalaga umano ito sa pagpapalakas ng seguridad sa enerhiya, lalo na sa gitna ng tumataas na pangangailangan at hamon sa pandaigdigang merkado ng enerhiya.
Dagdag pa ng Pangulo, ang bagong tuklas sa Malampaya East-1 ay inaasahang makatutulong sa pagpapababa ng pag-asa ng bansa sa inaangkat na enerhiya at magbibigay ng mas matatag na pundasyon para sa pangmatagalang kaunlaran ng ekonomiya.
Ibinida din ng Pangulo na mga Pilipino ang nanguna sa isinagawang drilling sa Malampaya East-1 at natapos ng walang anomang aksidenteng nangyari.
















