KALIBO, Aklan — Handa na ang 31 contingents na maglalaban-laban para sa P1.1 milyon na top prize sa Kalibo Sadsad Ati-Atihan Contest, ngayong umaga ng Sabado, Enero 17.
Ayon kay Boy Ryan Zabal, chairman ng Sadsad and Parade Committee ng Kalibo Ati-Atihan Festival Board (KAFEB), lalahukan ito ng 18 Ati-Atihan groups mula sa labas ng bayan, kung saan, hahamunin nila ang 13 Ati-Atihan contingents ng Kalibo na maglalaban sa apat na kategoryang Modern Tribal, Tribal Small, Tradisyunal na Ati, at Tribal Big.
Pito ang kalahok sa Tribal Big at Tribal Small habang 10 naman sa Modern Tribal at pito sa orihinal na Ati.
Magsisimula ang Sadsad Ati-Atihan Contest alas-8 ng umaga at inaasahang magtatapos alas-12 ng tanghali mula Osmeña Avenue sa Capitol site patungong Desposorio Maagma Sr. Street, pagkatapos ay sa Mabini Street, kakaliwa sa Roxas Avenue, at magpapatuloy sa Pastrana Street at Archbishop Reyes Street o may habang tatlong kilometro, kung saan, naka-abang ang 12 judges.
Isasagawa rin ang blessing sa mga tribu at mga deboto sa harap ng Saint John the Baptist Cathedral sa kahabaan ng Archbishop Reyes Street.
















