-- Advertisements --

Inatasan ni Department of Transportation Secretary Vince Dizon ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na magsampa ng kasong kriminal laban sa konduktor ng isang bus matapos mapatunayan sa isang video na kinuryente nito ang isang pasaherong may kapansanan.

Dagdag pa ni Dizon na tungkulin ng mga Public Utility Vehicle (PUV) operators na protektahan ang kanilang mga pasahero, bagay na hindi umano nagawa ng Precious Grace Bus Company, kabilang ang konduktor at drayber ng nasabing bus.

Ayon naman kay LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III, pinadalhan na nila ng show cause order ang operator ng Precious Grace Bus Company noong Biyernes upang humarap at magpaliwanag sa insidente.

Dagdag pa ni Guadiz, bukod sa kasong isasampa laban sa konduktor sa ilalim ng Common Carrier Act at Magna Carta for Disabled Persons, sinuspinde na rin ang lisensya ng bus driver at ang prangkisa ng 15 yunit ng Precious Grace Bus Company na bumibiyahe sa EDSA Busway.