Pinayuhan ng Department of Transportation (DOTr), sa pamamagitan ng Civil Aeronautics Board (CAB), ang lahat ng airline companies na tiyakin ang maayos at agarang pagbibigay ng impormasyon sa kanilang mga pasahero kaugnay ng anumang pagbabago sa flight status.
Ayon sa ahensya, ang mga huli o delayed na anunsyo tungkol sa flight changes, postponement, o cancellation ay nagdudulot ng matinding abala sa mga biyahero, kabilang na ang dagdag na gastos para sa pagkain at matutuluyan.
Batay sa Air Passenger Bill of Rights, obligadong ipaalam agad ng mga airline ang anumang flight delay o kanselasyon, at dapat tiyakin ang kapakanan at kaginhawaan ng mga pasahero. Kabilang dito ang pagbibigay ng lahat ng kinakailangang tulong at option para sa agarang refund kung kakailanganin.
Tiniyak ng kagawaran na patuloy nitong babantayan ang pagpapatupad ng mga alituntunin para maprotektahan ang mga karapatan ng bawat biyahero.