Matapos ang clearing operations kahapon, wala na ang mga illegal vendors na nakaharang sa walkway ng MRT-3 at LRT-1 sa EDSA Taft, na dati’y nakasasagabal sa pagdaan ng mga pasahero at pedestrian.
Muling nagsagawa ng inspeksyon ngayong araw si Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon upang tiyakin ang pagpapatupad ng direktiba ng pamahalan na alisin ang lahat ng obstruction sa mga pampublikong daanan para sa ligtas at mabilis na byahe ng mga commuter.
Ani Dizon, agaran namang nakipagtulungan ang lokal na pamahalan ng Pasay City, Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), at pamunuan ng Metro Point Mall.
Tiniyak din ng ahensya na makikipag-ugnayan pa ito sa LGU upang makahanap ng permanenteng pwesto para sa mga vendor na naapektuhan ng clearing operation.