-- Advertisements --

Surpresang nag-inspeksyon ngayong araw si Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon mula MRT 3 patungong LRT 1. Ilang aberya ang kanyang na-obserbahan sa kanilang pag-iikot.

Una na rito ang mahahabang pila sa counter para sa discounts ng mga estudyante at senior citizen pati na rin ang papasok sa bahagi ng LRT 1. Ayon kay Dizon, makikipag-ugnayan na sila sa Commission on Audit (COA) kung maaari ng tanggalin ang pagfill-up ng mga kukuha ng discounts upang mapabilis din ang daloy ng mga tao. Kwinestyon rin ni Dizon ang ginagawa ng LRT na pag-inspeksyon pa rin ng mga bag ng pasahero kahit na may metal detector naman na para rito. Nagbigay direktiba rin siya sa Light Rail Metro Corporation (LRMC) na sundin ang ginagawa ng MRT-3 upang mabawasan ang pila ng tao.

Samantala, nakita rin ni Dizon ang kakulangan sa beep cards at mga vending machines kaya humahaba rin ang pila. Ani Dizon, sila ay makikipag-ugnayan na sa provider ng beep cards at aatasan na mag-produce ng maraming cards para sa mga pasahero at i-repair o dagdagan ang kanilang mga makina.

Kaugnay pa nito, sinita rin ni Dizon ang mga illegal vendors na namamalagi sa paakyat ng MRT at sa tulay pa-LRT. Ayon sa kanyang pakikipag-usap, umaabot umano sa Php 1000 kada araw ang binabayaran nila sa katabing mall nito. Igiinit ni Dizon na ito ay ipinagbabawal dahil ang lugar kung saan sila nagbebenta ay pagmamay-ari ng gobyerno.

Ipinatawag rin ni Dizon ang naturang mall upang kausapin ukol sa illegal na pagpaparenta sa mga vendors nito sa bahagi ng MRT 3.

Para naman sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), tiniyak ni MMDA Special Operations Group – Strike Force Gabriel Go na magdadagdag sila ng kanilang mga tauhan katuwang ang Philippine Coast Guard (PCG) upang bantayan ang lugar para hindi na rin ito matauhan ng mga illegal vendors.

Paglilinaw naman ni Go na hindi  nila kukunin ang mga paninda ngunit kukunin lamang ang mga nakaka-obstruct sa daanan at aniya pagsasabihan din nila ang mga vendors.