Simula Setyembre, mas magiging mabilis at maginhawa na ang pagkuha ng personalized beep cards para sa mga estudyante, senior citizens, at persons with disabilities (PWDs), na may automatic ng 50% discount sa MRT-3, LRT-1, at LRT-2.
Ayon kay Transportation Secretary Vince Dizon, tugon ito upang mas mabilis at convenient ang biyahe ng mga pasaherong kabilang sa mga nabanggit na sektor.
Para sa mga estudyante, ilulunsad ang white personalized beep cards na may pangalan ng cardholder, valid ng isang taon at renewable kada school year. Hindi na rin kailangang pumila para makuha ang discount—kailangan lamang magpakita ng valid school ID sa anumang istasyon at agad nang ipi-print ang card.
Sa parehong buwan, mapapabilis din ang pagproseso ng beep cards para sa seniors at PWDs, mula sa dating lima hanggang pitong araw, ay makukuha na ito agad sa ticket counters. Kasabay nito, inalis na ang requirement na mag-fill out ng forms para makakuha ng 50% discount.