Inanunsiyo ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na kanilang papatawan ng multa ang Transport Network Vehicle Services (TNVS) na magkakansela ng bookings ng mga pasahero nila.
Sinabi ni LTFRB Chairman Vigor Mendoza, na ito ay bilang tugon sa reklamo na kanilang natatanggap ukol sa talamak na kanselasyon ngayong holiday season.
Nakasaad sa LTFRB Memorandum Circular 2025-055 na ang mga parusa ay kinabibilangan ng sa unang paglabag ay mayroong P5,000; habang sa ikalawang paglabag ay P10,000 at pag-impound ng unit ng 30 araw at ang pangatlo ay P15,000 na multa kasama na ang kanselasyon ng Certificate of Public Convenience kung saan otorisado ang unit.
Ikinokonsiderang paglabag sa Refusal to Convey Passenger ang sinumang drivers na nagkansela ng booking matapos nila itong tanggapin at kinumpirma ito sa app na ito ay may kaparusahan sa Joint Administrative Order 2014-01.
Sa ilalim naman ng bagong memorandum, na ang multa ay maaring ipatupad kung ang driver ay nagkansela ng bookig matapos tanggihan ang maikling biyahe kapalit ang mas mataas na kita o namimili sila ng mga pasahero gaya ng senior citizens at persons with disabilities.
Iimbestigahan din ng LTFRB ang mga kaso ng paulit-ulit na lumabag sa pamamagitan ng pag-review ng log system ng mga kumpanya para malaman ang mga paulit-ulit na paglabag ng mga drivers kung saan lugar, oras at pasahero ng walang anumang tamang dahilan.
Sa nasabing kautusan din ay papatawan ng kaparusahan ang mga TNVS companes na bigong imonitor o kontrolin ang mga drivers na paulit-ulit na nagkansela ng bookings o namimili ng mga pasahero.
















